Thursday, July 9, 2009

Life imprisonment: Mag-asawa hinatulan dahil sa Pasig ‘shabu tiangge’

MANILA – Life imprisonment ang naging hatol ng Pasig Regional Trial Court kay Amin Imam Boratong at sa asawa nitong si Sheryl Molera kaugnay sa kontrobersyal na “shabu tiangge" sa Pasig na sinalakay ng mga awtoridad noong 2006.

Tinawag naman na “tagumpay ng mga Filipino" ni Dangerous Drugs Board (DDB) chairman Vicente Sotto III ang naging desisyon ni Pasig RTC branch 154 presiding Justice Abraham Borreta sa mag-asawang Boratong.

Bukod sa habambuhay na pagkabilanggo, inatasan din ni Borreta si Boratong na magbayad ng P10 milyong danyos dahil sa paglabag sa probisyon ng Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Pinagbabayad din ng korte si Molera ng P1 milyon dahil sa pakikipagsabwatan sa asawa sa pagpapatakbo ng “shabu tiangge" sa Mapayapa Compound, Pasig.

Tinatayang 51.19 gramo ng shabu o methamphetamine hydrochloride ang nakita umano kay Molera nang madakip ito noong 2006.

Naging kontrobersiyal ang pagsalakay sa shabu tiangge – kung saan maaaring bumili ng shabu at doon na rin "gumamit" ng droga ang parokyano - dahil ilang metro lamang ang layo nito sa City Hall ng Pasig.

Ayon kay Borreta, naging matibay ang kaso laban sa mag-asawa dahil sa testimonya ng mismong kapatid ni Boratong at dating kanang-kamay sa operasyon na si Man Samer Palo. Bukod pa rito ang mga ipinakitang ebidensya at testimonya ng iba pang testigo.

Kasabay nito, ibinasura ni Borreta ang kasong kidnapping na isinampa ng mga Boratong kay Palao.

3 comments:

Note: Only a member of this blog may post a comment.